First and last 'Philippine Idol' Mau Marcelo returns to Viva Entertainment

Balik sa Viva Entertainment si Mau Marcelo, ang tinanghal na first and last Philippine Idol in 2006. Unang naging Viva artist si Mau pagkatapos niyang maging finalist ng Star For A Night in 2002, kung saan si Sarah Geronimo ang naging champion.

Nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Viva office sa 6th floor ng Tektite Bldg., Pasig City, ikinuwento niya kung paano siya muling bumalik sa Viva.

"Nakausap ko po sa isa kong corporate show ang isang taga-Viva office at kinumusta ko sa kanya si Ma'am Veronique [Del Rosario-Corpus, head ng Viva Artist Center] at hiningi ko ang cellphone number niya," kuwento ni Mau. "Pero hindi pa po ako nakatatawag sa kanya, ipinatawag na niya ako. Nag-usap kami pero sabi niya, kailangan ko munang ayusin ang release paper ko sa Fremantle [FremantleMedia, American Idol owner], dahil sila ang bale in-charge sa akin, after na nanalo ako sa Philippine Idol.

"Si Ma'am Sandra [Chavez] na po ang nag-asikaso ng release paper ko sa kanila dahil siya po ang in-assign ng Fremantle na siyang mag-manage sa akin. Nagpa-release na rin po ako sa kanya kahit sa December 2009 pa matatapos ang contract ko sa kanya as my manager. Naayos na po, kaya nakapag-sign na rin ako ng five-year contract sa Viva Artist Center two weeks ago."

Nalaman ba niya ang pagkakaroon ng Pinoy Idol ng GMA-7? Ano ang naging feeling niya nang hindi siya kinilala bilang first winner ng Philippine version ng American Idol?

"Paminsan-minsan po ay nakakapanood din ako ng Pinoy Idol pero hindi ko po natutukan. Nang malaman ko po na hindi ako ni-recognize, nasaktan din po ako, pero slight lang," natatawang wika ni Mau. "At least po, ako ang kauna-unahan at kahuli-hulihang tinawag na ‘Philippine Idol.'"

Naubos na ba ang napanalunan niyang one-million-peso cash prize noon?

"Hindi pa po naman. Although hindi po naman ako talaga nabigyan ng mga shows, maliban sa ilang corporate shows, at wala rin namang naibigay na show sa akin ang ABC-5 para sa one-million management contract ko sa kanila, ibinigay po naman nila sa akin iyon. For twelve months tumanggap po ako ng P85,000. Kaya iyon po ang ipinagpatayo ko ng isang musical and dance school sa amin sa Lucena, last March. Bumalik na po ako roon dahil medyo mabigat na rin iyong may nirerentahan akong bahay sa Quezon City, ‘tapos wala naman akong trabaho."

As young as four years old ang mga nag-aaral sa kanyang music school, pero no age-limit sa kanya, basta may gustong matutong kumanta at sumayaw. Sino ang katulong niya sa management ng kanyang music and dance school?

"Katulong ko po ang husband ko sa pagma-manage, sa kanya ko iniiwanan kapag ganitong pumupunta ako ng Manila o may show ako. Pero may mga teachers po akong katulong sa pagtuturo sa music, bukod sa mga dance teachers na nagtuturo ng ballroom dancing, belly dancing and hip-hop. Mayroon din akong teachers na nagtuturo sa pagtugtog ng gitara at piano.

"May recital na nga po kami sa November 8 sa Queen Margaret Court sa Lucena, 20 students din po silang magpi-perform."

Nalungkot lamang si Mau nang kumustahin namin ang debut album niya dahil wala pa raw maisagot sa kanya ang Sony-BMG Music kapag tinatanong niya.

Kumusta naman ang mga anak niya, mahilig din ba sila sa pagkanta?

Kuwento ni Mau, "Ang eldest ko po, si Tricia, she's six years old na, at madalas siyang mag-join ng mga amateur contests at lagi naman siyang nananalo. Nakakatuwa nga po kapag dumating siya at iaabot niya sa akin ang premyo niya. Hindi naman po pare-pareho ang first prize, depende po sa amateur contest na sinalihan niya. Minsan, P5,000, minsan P3,000. Iyong bunso, si Paolo who's two years old, alam na rin niyang kantahin ang mga kinakanta ng ate niya, kaya lang, pautal-utal pa ang pagkanta niya, pero nasa tono."

If ever ba, gusto rin niyang mag-artista?

"Why not, kung bibigyan po ako ng chance, pero siguro sa comedy lang, iyon lang po ang kaya ko."

Iyong kotseng binili niya after winning in Philippine Idol?

"Nasa akin pa rin po, iniingatan namin iyong Kia Carnival, iyon lang po ang kaisa-isa kong souvenir ng Philippine Idol. Pero kapag nakaipon pa po ako, gusto ko ring makapagpundar ng isang grocery, kahit po maliit muna."

Susundan pa ba nila si Paolo?

"Hindi na po, tama na silang dalawa, ang hirap po ng buhay ngayon, gusto lang naming mabigyan sila ng magandang future, kaya kami nagsisikap na mag-asawa," nakangiting patapos ni Mau.

Pep.ph

Comments