First 'Philippine Idol' Mau Marcelo on "Pinoy Idol" winner Gretchen Espina: "Hindi siya deserving!"

Nagbabalik na sa sirkulasyon ang Philippine Idol winner na si Mau Marcelo. Sa presscon na ipinatawag ng Viva Artist Agency, na siyang namamahala ngayon sa career ni Mau, kinuha ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang reaksiyon ng singer sa pagkakaroon ng first Pinoy Idol at hindi isinunod sa title niya.

"Oo nga po, e. Nung una siyempre, medyo naasar ako. Pero at least, ako pa rin ang unang Idol kaya medyo hindi masakit masyado...slight lang. Parang yun lang, bakit gaganunin pa? Parang iba lang yung channel, iba na rin yung pagtingin nila, gusto nila first lahat ang nangyari. Pero alam talaga ng tao, ako yung una," pahayag ni Mau.

Matatandaan na si Mau ang nanalo sa Philippine Idol nang makuha ng ABC-5 ang franchise ng Idol series. Pero nang makuha ng GMA-7 ang franchise ng popular singing search ay ginawa nilang Pinoy Idol ang title nito.

Hindi rin ni-recognize ng GMA-7 si Mau bilang kauna-unahang winner ng Idol franchise dito sa Pilipinas. Ang nanalo sa Pinoy Idol na si Gretchen Espina ang binansagang kauna-unahang "Pinoy Idol."

Anong masasabi ni Mau na mas maganda diumano ang feedback sa Philippine Idol kesa sa Pinoy Idol?

"Yun na nga lang po, talagang may karma. Joke!" natatawang sabi ni Mau.

"Unang-una, nakita ko, hindi naman magaling yung nanalo. Hindi siya deserving!" opinion ni Mau.

Sino sa tingin niya ang dapat nanalo?

"Si Penelope. Sa lalaki po, si Robby [Navarro]. Actually, na-realize ko, ‘eto na ba yung Top 12, ikumpara po sa Philippine Idol. At saka parang ang bilis nilang natapos, hindi naramdaman. Yung sa amin, kahit Channel 5, at least, tinangkilik talaga."

Kumusta naman siya pagkatapos ng Philippine Idol?

"'Eto, two weeks na po ako sa Viva. Kababalik ko lang po. Dati na po akong Viva, Star For A Night days pa lang po. Nung manalo kasi ako sa Philippine Idol, in-appoint ng Fremantle si Ma'am Sandra Chavez na manager ko. Pero umalis na ako.

"Hindi pa tapos ang contract ko, pero nagpa-release na po ako dahil wala pong nangyayari sa career ko. Nasasayangan ako sa mga panahon, sa talent ko. At ako po ay breadwinner pa rin, e, wala po akong pera. Wala na po siyang [Sandra] trabahong ibinibigay sa akin, kaya nag-decide akong lumipat ulit ng Viva. Plano po nila, bigyan po ako ng album," lahad ni Mau.

Ano ngayon ang pangako ng Viva sa kanya?

"Wala naman po silang ipinangako, pero feeling ko, mas maalagaan nila ako at mas mapu-push nila ang career ko kahit papaano. Mas matitingnan nila, kasi si Ma'am Sandra po kasi, naging busy kina Sharon [Cuneta], kina KC [Concepcion], hindi ako iniintindi!" natatawa niyang sabi.

Patuloy ni Mau, "Kaya medyo nadi-disappoint din ako. Three years [contract] sana yun, e, two years pa lang sana po ako sa December, pero hindi ko na kaya. Sa Lucena na nga po ulit kami nakatira, e. Lumipat din ako dahil mahal na, kulang na ang mga kinikita ko sa pambayad [ng tinitirhan]."

Saan ba siya nag-show after niyang manalo sa Philippine Idol?

"Sa mga corporate shows. E, tago sa tao kaya akala nila bigla akong naglaho. Hindi kagaya nila Jan [Nieto], Gian [Magdangal], nasa SOP sila. Sosyal po kasi yung dati kong manager. Ayaw niyang kumanta ako sa bar, magge-guest sa mga comedy bar, ayaw niya akong basta lang ipapasok sa isang TV show, na hindi raw bagay sa title ko, mga ganoon. Dyusko, ano ang ginagawa niya? Wala naman, sa totoo lang! Ayaw ko na kasing maging ano... Totoo kasi akong tao," mangiyak-ngiyak pang pahayag ni Mau.

"Sayang po yung panahon ko, lalo na nung kapapanalo ko pa lang. Yung mga supporters ko, tinatanong ako, nasaan na raw ako, ano na ang nangyayari sa akin? ‘Buti pa sina Jan, sina Gian nasa SOP na, ikaw, ano? Ano ba ‘yang career mo? Ano ba ‘yang manager mo? Magpalit ka na.' E, three years nga, pero nag-isip-isip ako ‘pag ginaganoon ako," hinaing ni Mau.

source: pep.ph

Comments